Nung ako ang nagtapos, dala-dala ko pa din ang idealismong ipinunla sa akin ng UP. Ang unang trabaho ko pagkagradweyt ay swak na swak sa tinapos kong kurso: ang maging field interviewer para sa isang proyekto ng UNFPA na ikinomisyon sa UP. Ang trabahong ito ay inalok sakin ng instruktor ko dahil siya ang humawak sa proyektong ito. Sa kasamaang palad, nadismaya ako sa naging takbo ng mga pangyayari. Sobrang pagkadismaya din ang inabot ko sa mga sumunod kong trabaho. Nagdesisyon akong balikan ang akademya. Baka kako dito ko matagpuan ang hinahanap ko. Nagsumite ako ng aplikasyon sa UP para sa Masters in International Studies. Humingi ako at binigyan naman ng rekomendasyon ng tatlo sa mga pinakamagagaling na mga propesor sa UP Baguio. Isa dito ay isang Professor Emeritus. Hindi ko itinuloy ang pagkuha ng Master's Degree, sinayang ko ang magagandang rekomendasyon, ang pagod ng mga nagrekomenda at ang pera na ginastos ko sa pagproproseso ng aplikasyon. Sa halip, nagbayad ako at nagproseso ng mga kailangan para sa entrance exam ng PUP College of Law. Nung hayskul pangarap kong maging abogado dahil sa tatay ko. Nalaman ko noon na kumuha siya ng law pero hindi niya tinapos dahil nabuntis ang nanay ko at mas pinili niyang magtrabaho para may ipakain sa pamilya niya. Humanga at bumilib ako sa desisyon niya kaya nagpasya akong ako ang tutupad sa pangarap niya. Kaya naman nung magtapos ako ng kolehiyo ay muli niyang inungkat ang pagkuha ng abogasya. Nung mga panahong yun ay hindi pa ako handa. Bukod sa wala kaming pera ay napagod ako sa pag-aaral. Sabi ko magpapahinga muna ako. Pagkatapos ng isang taon ng pagkadismaya sa trabaho at sa pakiramdam na walang pinatutunguhan ang buhay ko, nagpasya akong sumubok na. At ayun nga, PUP College of Law ang una akong pili. Kaso napaisip ako nung makita ko ang paaralan. Malayo sa kinagisnan kong medyo mas ligtas na kalagayan ng Baguio. Pakiramdam ko ang lawak ng Maynila at mawawala ako. Napakamahal ng lahat ng bilihin at madalas na palipat-lipat ng sasakyan. Hindi ko kakayanin. Nagpasya akong huwag nang tumuloy sa pagkuha ng entrance exam sa PUP at sa halip ay dito na lang sa Baguio mag-aral. Ayun, pinili ko ang SLU School of Law.
Dalawang linggo pa lang sa School of Law noon ay gusto ko na magwithdraw ng enrollment. Dinadaga ako. Pakiramdam ko wala akong natutunan nung undergrad. Hindi ako marunong magmemorize at laging palyado sa recitation. Sanay akong magbasa at magproseso, hindi magsaulo. Ang laging banat ng mga instruktor: "Give me what the law says." Ibig sabihin, verbatim. Huwag mong baguhin ayon sa pagkakaintindi mo ang batas. Ibigay mo ang provision word by word kung yun ang hiningi at kung ano ang sinabi ng author ng librong binasa mo kung humingi sila ng paliwanag. Ang katwiran: yung mga nagsulat ng libro ay mga justice o dating justice ng Korte Suprema. Alam nila ang sinasabi nila. Bawal bumuo ng opinyon, maliban na lamang kung ito ay ihahayag mo sa pamamagitang ng pagtatanong na minsan ay hindi masasagot ng instruktor dahil iba ang naintindihan niya sa tanong mo at mahirap na ipaliwanag o ipaintinti kung ano ba talaga yung tinanong mo. Bawal matulog ng lagpas sa limang oras. Gamitin ang oras na gising ka sa pagbabasa. Huwag mo na pakialaman ang mga usapang nagaganap sa hapag-kainan. Magbasa ka ng magbasa ng magbasa kasi kapag nasa klase ka na ay mapapadasal ka ng todo todo.
Pagkatapos ng isang buong taon sa pag-aaral ng batas, napaisip ako. Ito ba talaga ay para sa akin? Hindi ko naiintindihan madalas ang mga leksyon. Mabababa ang mga nakukuha ko maliban na lang sa Legal Ethics (Naks! Ideal eh) at Environmental Law (naks ulit! ideal pa din eh). Sablay na sa iba. May dalawang linggo na ang nakakalipas nang napag-usapan namin ng kaibigan ko ang tungkol dito. Gradweyt din siya ng UP at sa UP Diliman pa. Siya ng nanguna sa dean's list nung unang semestre at maganda pa din naman ang performance niya sa sumunod na semestre. Kaso nararamdaman niya din ang pag-aalinlangan na nararamdaman ko ngayon. Nasa tamang landas ba ako? Umabot na kami sa punto na humihingi ng senyales. Parehong kaming may natanggap na senyales na maaring ang ibig sabihin ay "hindi para sa'yo ito." Pinabasa niya sakin ang commencement speech ni Atty. Darlene Marie Bernabe. Binasa ko naman.
Ang nasa isip ko pagkatapos basahin ang napagandang speech ni Atty. Bernabe:
1. Napakalaki ang hinihingi at inaasahan sa isang gradweyt ng UP, lalo na yung mga old rate (tulad ko na hindi lumagpas sa 5K ang binabayarang tuition bawat semestre)
2. Tama si Atty. Bernabe, kapag nadapa ay pwede pang bumangon at ipagpatuloy ang laban. Ang problema, walang pampaaral sakin ang magulang ko para sa master's. Hindi din ako honor student tulad niya na malamang ay madaming alok na magagandang trabaho.
3. Tama din na pwedeng panatilihin ang prinsipyo at manindigan. (humanda ka nga lang sa maaring maging consequence ng paninindigan mo. mapulitika ang lahat ng hanay ng gobyerno at lahat ng organisasyon).
4. Mahirap talaga ng law school. (honor student na siya nun ah, nakaramdam pa din siya ng takot).
5. Mag-isip. Magbreak. Mag-isip.
Sa ngayon may ilang araw na lang ako para pag-isipan kung itutuloy ko ba ang pag-aaral ng abogasya. Kailangan kong maramdaman na may kabuluhan ang pakikipagbuno ko sa lahat ng hirap sa law school. Kailangan kong maramdaman na igagapang ko ito dahil gusto ko at hindi dahil nahihiya na lang ako o natatakot sa sasabihin ng iba.
Samantalang naiisip ko din: kapag tumigil ako (pansamantala man o pang-forevermore na), ano ang gagawin ko? Babalik ako sa mga trabahong ikinadismaya ko? Makakahanap ba ako ng mas magandang trabaho? Pagsisisihan ko ba ang gagawin ko?
Ano man ang magin pasya ko, umaasa akong paninindigan ko ito.
Para sa lahat ng nasa parehong sitwasyon, kampay! Malayo pa ang lalakbayin pero natitiyak kong makakarating din tayo! =D