Saturday, February 19, 2011

Bakit Nga Ba?

Bakit nga ba ang hirap na magsulat? Dahil kaya wala na akong nararanasang kasulat-sulat o dahil hindi ko kayang magsulat na walang bayad? Dahil sa puna ng isang kaibigan na inaamag na ang aking blog account, muli kong susubukan. Baka sakali, paunti-unting babalik ang kahusayan ko sa pagsusulat.

***

Wala na bang takot sa AIDS sa panahong ito? Maya't-maya ay nakakarinig ako ng balitang buntis si ganto o nakabuntis si ganyan. Tuwing bumibili ako sa grocery at sa butika, napapansin ko naman na laging may bentang condom. Kadalasan pa nga ay nakalagay ang mga ito sa tabi ng kahera para madali mo na lang patagong isingit sa mga bibilhin mo kapag magbabayad ka na. Oo, bagama't laganap na ang pornograpiya sa panahong ito, nandoon pa rin yung "hiya" sa pagbili ng mga bagay na magbibigay ng ideya sa mga tao sa paligid mo na ikaw ay "sexually active." Lalong "nakakahiyang" bumili ng condom kung teenager ka dahil sa lipunang ginagalawan natin, "nakakahiya" ang makipagsiping kung ikaw ay nasa edad na may "teen" dahil sa maraming kadahilanan. 

Samantalang, wala naman tayong nagagawa upang pigilan ang paglaganap ng pornograpiya. Tuwing manonood ka ng telebisyon, makakakita ka ng patalastas ng isang babaeng nakadamit ng napaigsi at kaakit-akit na hahalik sa isang lalaking makisig at may magandang kaha. Madalas, hindi mo maintindihan kung ang iniendorso ay toothpaste ba o pakikipagtalik. Laganap din ito sa mga pelikula, kanta, komiks, internet, at halos lahat ng uri ng medya kung hindi man lahat. Dumadami ang nabubuntis dahil sa pre-marital sex at pabata ng pabata ang kaswalidad, dumadami ang mga napapbalitang ni-rape, dumadami ang mga batang lansangan, nagiging aktibo ang mga abortion clinics at napakarami pang istatiska ang pwedeng ikabit sa pornograpiya. Sa kabila ng lahat, napakahirap i-endorso ng condom o kahit anong uri ng kontraseptibo.

Bakit ko nga ba naisip magsulat ng tungkol dito? Dahil...
Ah, huwag na lang kaya nating tapusin ang sagot. Mahaba, nakakapagod at paulit-ulit. Ngayon, kung may magtatanong pa sa akin kung bakit ako walang boypren, eto ang sagot ko: sa panahon ngayon, tiyak pag nagkaboypren ka darating ang punto na sa Eurotel, Sogo at iba pang kapareho ang magiging paborito niyong tambayan. Tiyak, maprepressure kang maganda ang suot mong underwear araw-araw. Tiyak magkakaroon ng punto na hindi na niyo maiisip gumamit ng kontraseptibo at magpapadala na lang sa init ng katawan. Para sigurado, gusto kong maging handa bago ako sumabak sa ganitong bakbakan. Bago boypren, gusto ko mayroon na akong bahay, lupa, kotse, maganda at stable na trabaho na may mataas na sweldo, magandang health insurance kung sakaling madali ako ng AIDS, at higit sa lahat, malaking ipon para sa kinabukasan ng batang tiyak na mabubuo sa isang gabi ng pagkakamaling hindi gumamit ng kahit na anong kontraseptibo. 

Gayunpaman, hindi ko sinasabing ito na talaga ang mangyayari. Ang sinasabi ko lang, ito ang gusto ko dahil ito, para sa akin, ang tama. Kung sakaling hindi ko man matupad kahit isa sa mga yan at nagpadala ako sa pusok at init, sana kahit magandang health insurance lang meron ako. Takot talaga ako sa AIDS eh. 

1 comment:

  1. Bakit wala akong boyfriend #5: So far wala akong balak magpakasal sa Pinas. Gusto ko sa Las Vegas.

    Natawa ako sa Eurotel part. Lolzzz

    ReplyDelete